Credit Card o Debit Card: Alin Ang Mas Magandang Pambayad?

Alamin kung ano ang mas nababagay para sa financial habits mo, ang credit card ba o and debit card?

Nakasubok ka na bang mag-apply para sa credit card? O baka mayroon ka na? Ang pagkakaroon ng credit card ay parang status symbol dito sa atin. Kapag may credit card ka, ibig daw sabihin ay mayaman ka dahil swipe ka lang nang swipe sa card.

Bukod sa credit card, mayroon pang isang klase ng card na ginagamit na pambayad sa mga pinamili. Ito ay ang debit card.

Pareho lang ba ang credit card at debit card?

Magkaiba ang credit card at debit card, kahit na mukhang pareho lang ang hitsura nila. Ang pagkakaiba nila ay kung paano sila ginagamit pambayad.

Para magkaroon ka ng credit card, mag-a-apply ka nito sa bangko. Susuriin nila ang iyong credit standing (kakayahan mong magbayad, record mo ng pagbabayad sa ibang bangko) at doon ibabase kung bibigyan ka nila ng credit card o hindi.

Sa credit card, binibigyan ka ng bangko ng credit line o nakatakdang halaga ng perang pwede mong utangin.

Tama ang nabasa mo: tuwing bibili ka ng anumang bagay at credit card ang “ipinambayad” mo, utang iyon. Kailangan mong bayaran sa bangko ang kabuuang halaga ng iyong mga pinamili sa loob ng billing cycle na iyon (kailangang alam mo kung kailan ang cut off period mo kada buwan) para hindi ka patawan ng karagdagang interes.

Maari ka namang magkaroon ng debit card kapag nagbukas ka ng checking o saving account sa bangko — siguraduhin mong sabihin ito sa bank representative.

Kapag ginamit mo ang debit card sa pamimili, ang halaga ng iyong binili ay automatic nang nababawas sa bank account mo kapag ini-swipe ito. Ibig sabihin, mayroon dapat sapat na pondo ang bank account na ito. Wala mang aktwal na perang ginamit sa transaksyon, para ka na ring nagbayad ng “cash” kapag ang gamit mo ay debit card.

Ang tanong: alin ang mas magandang gamitin para hindi ka magka-problema sa budgeting?

Isa-isahin natin ang mga advantage at disadvantage ng dalawa.

Advantage ng debit card

  • Hindi ka nababaon sa utang, dahil kukuha lang ito sa kung anong pondo ang mayroon sa account
  • Walang babayarang annual fees gaya ng sa credit card
  • Hindi mo kailangang magdala ng cash

Disadvantage ng debit card

  • Hindi mo ito maaring gamitin kung mayroon kang biglaang malaking gastos na higit sa pondo na nasa bank account mo
  • Maaring mayroon pa ding mga fees na singilin sa iyo, gaya ng maintenance fees o overdraft fees.
  • Hindi gaanong mahigpit ang security. Kung mabiktima ka ng mga scammer at gamitin ang card mo, mababawas na agad ang halaga sa bank account mo

Advantage ng credit card

  • Kung babayaran mo nang buo ang iyong bill sa due date mo, wala kang babayarang interes
  • Karamihan sa mga credit card companies ay may ino-offer na rewards o puntos sa tuwing gagamitin mo ang iyong credit card, na maari mong ipunin . Kadalasan din ay may special discounts o free items kang makukuha sa kanilang mga partners gaya ng restaurant, airlines, hotel, at iba pa.
  • Hindi mo aalalahanin ang credit limit kung may emergency dahil madalas ay malaki ito
  • Sakaling magkaroon ng questionable purchase (halimbawa, lumitaw sa bill mo ang isang bagay na hindi mo naman binili), maari mo itong ipa-imbestiga sa bangko at ire-reverse nila ito kung mapatunayang mali nga.

Disadvantage ng credit card

  • Maari kang mabaon sa utang kung hindi ka maingat sa pagbabantay ng iyong mga binibili
  • Kung minimum amount due lang ang iyong binabayaran kada buwan at hindi ang kabuuang bill, magpapatong-patong ang interes na kailangan mong bayaran

Alin ang mas magandang pambayad sa iyong pamimili? Depende ito sa iyong disiplina sa paggamit ng mga cards. Kung kaya mong gumastos nang mas kaunti kaysa sa kaya mo, at disiplinado ka sa pagbabayad, alin man sa dalawa ay uubra.

This article was originally published on smartparenting.com.ph/life/money. Minors edits have been made.

CREDIT CARD
DEBIT CARD
FINANCE TIPS
PERSONAL FINANCE